DANIEL DELA CRUZ


# 14 MAPANG-AKIT ST.

GUSTO KO NANG MAGBARIL SA SARILI. Nag-away na naman kami ni Jessica. Marami kaming dapat pag-awayan: Mula sa remote control ng TV hanggang sa billing  ng credit card. Mula sa manyak niyang anak, si Raffy, hanggang sa tarantado kong kabit, si  Robert. Kasama na rin sa away namin ang bituka, lamang-loob at kung ano-ano pang bagay na hindi na mahalagang banggitin kung may kwenta o wala. Basta away. Basta gulo. Dyan kami magaling. 

 Iyung ref na lang ata ang hindi pa naibabalibag sa akin ni Jessica?  Basag ng lahat ang astray ko.  Sinusunog na rin daw ang kaluluwa ko sa impyerno. Ibig sabihin e, hindi na rin ako puwedeng manigarilyo?

Parang kaming karnabal. Magulo na masaya na ewan. Hindi na nga ata kami puwedeng mag-sama-sama, minumura namin ang isa't isa. Pero ang nakakatuwa, hindi rin kami puwedeng maghiwa-hiwalay, naaakit naman kami sa isa't isa, sa iisang bahay. 

Iyung gulo noong isang linggo ang masaya, minumura ako ni Jessica,  Saan ko raw ba talaga napulot itong si Robert? E, simula daw nang dumating sa bahay e, puro kabuwisitan na ang dala. 

“Kamag-anak mo ba talaga si Robert? Ibang-iba ang ugali, Pati anak ko, kung saan-saang kalokohan dinadala.” Galit na tanong sa akin ni Jessica. 

 Magkasama kasi si Robert at Raffy papuntang Cubao, espesyal na libro daw ang bibilhin, ang paalam e babalik din bago mag-alas-siyete ng gabi. Aba e, nauna pang dumating ang magdi-dyaryo kinabukasan wala pa rin ang dalawa.  Alalang-alala si Jessica.  Ni walang tawag. Yun pala, namasyal sa Alibangbang. Ang usapan e, tig-iisang boteng beer lang sila at makikipanood ng mga sumasayaw.

Nalibang siguro. Ang isang bote ay naging dalawa hanggang sa may lumapit daw sa kanilang dancer at ingud-ngud sa mukha ni Raffy ang ari nito. Binggo. Ubos ang pamasahe. Sinuka pati alawans sa iskul ni Raffy ng isang linggo. Senglot na nag-ehersisyo palakad ang dalawang mokong mula Cubao hanggang UP Village.

 Hindi naman talaga abot hanggang langit ang galit ni Jessica kay Robert. Kaya lang etong si Raffy, namimihasa nang sama ng sama kay Robert. Natutong bumarkada. Natuto ring manigarilyo at tumoma. Nasisira tuloy ang pag-aaral. Pinangakuan pa ni Robert na "pabibinyagan" daw sa Binondo. Tag-libog ang bata. Kaya, wala kaming magawa.
Eto naman si Robert, kapag pinag-sasabihan mo, "Kasalanan ko ba 'yun?  E etong si  Raffy ang buntot nang buntot sa akin?" Magkapatid na rin daw ang turingan nila. Wala raw masama.

Masaya sana kami. Ayos na ang lahat. Ang pakilala ko Robert kay Jessica e, pamangkin ko, hindi anak ng kapatid ko kundi anak ng isang malayong pinsan na taga Binangonan. Nung una e masipag. Mabait. Masunurin. Sobra nga raw ang bait. Mahihiya si San Lorenzo Ruiz sa kabaitan. Yun pala e puro pakitang-tao lang. Nasa loob ang kulo. Katulad din pala ng mga pari kapag nakahubad ang abito.

Regalo sa akin si Robert ng kaibigang kong bading sa Cubao, Si Pampie.

“Bertday mo naman ngayon, dumaan ka muna dito sa bahay bago kayo mag-celebrate ni Jessica.” Tawag sa akin ni Pampie sa office. “May sopresa ako sa iyo.”

Nabingwit daw ni Pampie sa Ali Mall si Robert.  Malakas daw ang dating. Guwapo. Good Kisser. Part-time callboy daw. Gimekero. Estudyante.

Tanong ko nga kay Pampie, baka tira-tira mo na lang 'yan? Hindi daw. Pres na pres. Tumikim naman daw ako ng iba bukod kay Jessica. Bakit daw ba binuburo ko ang kabaklaan ko. Ako naman, aba e hulog ng langit, ano pa nga bang magagawa ko? 

Masarap ka "do" si Robert, palaban. Talagang ekspert . Ang totoo, pati nga pangalan ko e nakalimutan ko e. Sa tuwa ko nga, binigay ko nang gabing ‘yun sa kanya ang polong regalo sa akin ng officemate ko. 

Akala ko, ‘yun ang una at huli naming pagkikita ni Robert. Ganon naman ako, patikim-tikim lang. Siyempre kailangan maingat…baka mamaya mahuli ako ni Jessica. Nakakahiya naman. 

Mahal ko rin naman si Jessica. Mahal ko siya kahit kanino.  Ibang-iba si Jessica sa lahat ng babaeng nakilala ko. Matapang.

Nagulat ako ng tumawag sa office si Robert. Eksaktong isang linggo  matapos ang “una” naming pagtatagpo.  “Paano mo nakuha ang number ko?” Ang tanong ko kay Robert. Kay Pampie daw, nagkita raw sila uli sa Ali mall. Talaga naman.

Puwede raw ba kaming mag-meet? Depressed daw siya, kailangan ng kausap. Okey kuwentuhan kami. Buhay-buhay. Kesyo sawa na raw siya sa kanila. Magulo. Walang makain. Gusto daw niyang ipagpatuloy ang pag-aaral niya. Ayaw na raw niyang mag-callboy, bagong buhay na raw siya. Gusto rin daw niyang makatulong sa magulang niya. 

Bakit ako?  Ang tanong ko sa kanya, marami ka namang kliyenteng iba, bakit hindi sila ang hingan mo ng tulong. Wala daw.  Ako lang daw. 

Noong sabihin ko kay Jessica na sa Apartment namin titira ang "pamangkin" kong si Robert, okey lang naman sa kanya. “Pagtulungan nating pag-aralin.” Mabait din si Jessica.

Nagkaroon na rin ng kabarkada si Raffy. Laging magkasama sa larong basketball ang dalawa.  Minsan, apat kami. Punta kaming Megamall. Isang pamilya. Hindi alam ni Jessica niloloko ko na siya. Hindi ko rin alam kung niloloko ko ang sarili ko. Basta ang alam ko ginagawa ko lang ang gusto kong gawin. Ang magwala. 

Hindi naman siguro na niloloko ko si Jessica kaya lang hindi pa siguro ngayon ang tamang panahon para ipagtapat ko sa kanya na may relasyon kami ni Robert.

Bale isang taon na rin kami ni Jessica. Kliyente sa advertising ng company nila ang kumpanya naming nagbebenta  ng kompyuter.

 Maganda si Jessica. Matanda lang sa akin ng ilang taon. Nilagawan ko. Mag-on kami for almost one year bago kami nag-live-in. 

Huli na nang sabihin niya sa akin na may anak na siya…si Raffy nga. Ok lang sa akin. Buti nga siya nagtapat...  samantalang ako hindi ko masabi sa kanya ang kabaklaan ko. Pero alam ko, mahahalin pa rin niya ako kahit malaman niya.

Ang una ko sanang balak kay Robert e, ikuha din ng apartment o kaya'y patirahin na lang sa isang boarding house malapit sa pinag-aaralan niya sa Sta. Mesa. Kaya lang. Baka saan na naman magsuot itong mokong na ‘to. Pag-aaralin mo nga,  baka naman kung saan-saan lang uli bumarkada. Wala din. Naawa na rin ako sa kanya. Gusto ko rin talaga siyang tulungan.

Sa bahay na lang siya. Malaki din ang inuupahan namin apartment sa Mapang-akit St.,  sa may UP Village. Tatlong kuwarto, Mag-kasama kami ni Jessica  sa Master Bedroom sa second floor. Kay Raffy 'yung katapat na pinto. Si Robert ‘dun ko pinatulog sa kuwarto sa ibaba sa may malapit sa garahe. Para guwardiya na rin sa magnanakaw.
Kuwarto sana ng katulong yun, kaya lang itong si Jessica, ayaw mag katulong. Anak daw siya ng katulong at  kinikilabutan sa bawat sandaling  naaalala niya ang “pangit” na karanasan ng kanyang nanay noong nabubuhay pa ito. 

Kaya eto, wala kaming katulong, kanya-kanyang kilos. Ang labandera, araw ng Sabado ang laba, Linggo naman ang plantsa. Sa paglilinis ng bahay, kung sino-sino na lang. Wala namang nagkakalat e. 

Ganito ang iskedyul ng "do" namin ni Robert. Sabay-sabay kaming aalis sa bahay ni Jessica at Raffy, ibababa namin si Raffy iskul niya sa Katipunan, C-5 ang daan namin diretsong Makati, ibaba ko si Jessica, tapos balik ako sa office namin sa Ortigas Center. Lunch time ang "do" namin ni Robert umuuwi ako sa Mapang-akit. MWF. Walang palya.  Ang Mapang-akit ang paraiso namin ni Robert.

Paraiso ng mga nakaw na ligayang hinihiram namin kay Jessica. Buti nga hindi kami nahuhuli. At wala kaming balak magpahuli.

Lihim lang ang relasyon namin ni Robert. Wala talagang nakakaalam. Ni mga kaibigan kong bading nga hindi alam. Kahit si Pampie. 

Pero nakokonsenya din ako sa ginagawa ko. Minsan nga gusto ko na rin ipagtapat kay Jessica, kaya lang nauunahan ako ng takot. Sino ba naman ang hindi matatakot na ipagtapat mo sa ka live-in mo na may ka live in ka pa ring lalake at sa iisang bahay pa! 

 Minsan nga sinisisi ko na ang sarili ko. Kaya lang talagang napamahal na rin sa akin si Robert. At iniisip ko na ganon din siya sa akin. 

Minsan nga nag-away kami ni Robert, pinalayas ko na yan, aba ang mokong, kung papalayasin ko raw siya e isusumbong ako kay Jessica. Talagang gago, walang konsiderasyon. Pinakain muna. Pinapa-aral mo pa. Tapos sisirain pa ang buhay mo. Kung pagsabihan mo naman. “Bakit daw ba hindi ang buhay ko ang ayusin ko?” Hayup talaga. 

Eto namang si Raffy. Problema din. Kabatang tinubuan ng kalibugan sa katawan. Noong una, ikinukuwento lang ni Robert na pinagdya-dyakulan daw nito ang seksing katulong ng kapitbahay, si Inday.  Pero kanina, sa kasamaang palad, huling-huli ni Jessica si Inday at si Raffy, sa bodega sa likod bahay, nag hahala-bira ang dalawa. 
Inaway ni Jessica ang kapitbahay. Bakit daw ba hindi nila bantayan ang kanilang katulong. Sinisira daw ang kinabukasan ng bata. 

Kanina ko unang nakitang saktan ni Jessica si Raffy. Galit na galit si Jessica. Pinagalitan din si Robert tungkol sa mga kalibugang “tinuro” nito sa kanyang anak. Sabay layas naman ng mga gago. Magkasama sila ni Robert.  Magpapalamig siguro.  Naiwan kaming dalawa ni Jessica. Mainit ang loob ng bahay. Walang pumapansin sa nasusunog na sinaing. Tumutulo ang tubig sa lababo. Wala kuma-kausap sa naniningil na magdi-dyaryo sa labas ng bahay.

Nakatitig sa akin si Jessica. Nakahanda akong umilag sa kung ano na naman ang ibabalibag niya sa akin. Kasalanan ko na naman daw lahat. Kasalanan ko raw kung bakit Ganito ang buhay namin. Ako. Siya. Kaming lahat. Magulo. Maghiwalay na raw kami. Iyak siya ng iyak. 

Marami pa siyang gustong sabihin sa akin. Pakiramdam ko puro galit at panunumbat. Hindi ako kumikibo. Nagbreak-down na si Jessica.

Matagal na rin daw niyang alam ang “lihim” tungkol sa akin. Ang lahat-lahat daw sa akin. Sa pagkatao ko. Sa pagkatao ng isang Ryan. Sa pagkatao ng kanyang mahal. 

Hindi pa rin ako kumikibo. Malamig na ang kape sa tasang hawak ko. Hindi ko na mainom. 

Iyak pa rin siya ng iyak. Ang hindi ko raw alam ay ‘yung “nangyayari” sa kanila ni Robert. Sa kanila ni Robert?

Putang-inang buhay ‘to. Ewan ko ba. Manonood na lang muna ako ng sine bago ako magpakamatay.
 

Cover
Next